Ang pagiging kapatid ay isang malaking responsibilidad na hinaharap ng halos lahat ng tao. Ito ay isang tungkulin na dapat gampanan bilang bahagi ng isang pamilya. Sa aming pamilya ay lima kaming magkakapatid, at sa kasamaang palad ako ang pang-apat. Naging batas na sa amin na gumalang sa matanda at para sa akin ay wala naman problema sa patakaran na yun. Pinalaki kami ng aming magulang na may respeto sa bawat isa lalo na sa mas nakakatanda. Pag ako ay nagkakaroon ng argumento sa isa sa aking nakakatandang kapatid, dumadating sa punto na kahit siya ang may mali , ako pa din ang napapagalitan. Noong bata pa ako, akala ko ay normal lang ang ganung proseso at ito ay normal na nangyayari sa bawat pamilya. Pero habang ako ay tumatanda napag isip-isip ko na parang may mali sa mga nangyayare at parang hindi tama na maging basehan ang edad at awtoridad sa paggamit ng kapangyarihan sa loob ng aming tahanan.
Isang araw, gusto kong kausapin ang aking mga magulang dahil sa tingin ko ay mali ang ganung klase ng pamamalakad. Pero ako ay nagdalawang isip at napagdesisyonan ko na marahil ay kaylangan kong harapin ito mag-isa. Lumipas ang panahon at nanitili ang ganung patakaran sa aming tahanan. Noong mga oras na yun ay naramdaman ko na marahil ay hindi nagbibigyang halaga ang aking pagkatao at ang aking mga prinsipyo bilang indibidwal pagdating sa aking mga nakakatandang kapatid sa kadahilanan lamang na sila ay mas matanda sa akin. Para sa akin ay mali iyon at hindi sapat na rason ang edad at awtoridad para maging basehan ng lugar ng isang tao sa isang lugar.
Lumipas ang mga panahon at ako ay nasa aking huling taon sa mataas na paaralan, umiikot parin ang kapangyarihan sa ganung klase ng pamamaraan. Siguro ay nasanay na din ako at nahulma ng ganung klase ng kultura na mayroon kame sa aming pamilya. Noong mga panahon nadin na yun ay naisip ko na siguro ay yun na ang tamang panahon para ako naman ay makapagsalita at mapakinggan. Sa totoo lang ay wala namang problema sa akin ang ganung klase ng sistema, tatanggapin ko naman kung ako ang may mali . Ang ayaw ko lang ay ang katotohanan na kahit sila ang mali at ako naman ay nasa lugar ay ako pa din ang napapagalitan. Diba parang may mali sa ganung paraan?
Hindi na ko nagaksaya ng oras at sinabi ko na sa mahabang panahon ang gusto kong iparating hindi lamang sa aking mga magulang, pati na din sa aking mga kapatid. Noong una ay kinakabahan ako sa kung anung mangyayari dahil malamang na ako ay mapagalitan, pero sinabi ko na lahat sa aking pamilya ang nais kong sabihin at nakita ko naman sa kanilang mga galaw na naintindihan nila kung saan akong nanggagaling. Umikot ang mahabang panahon na mayroong maling sistema sa aming tahanan pagdating sa awtoridad at paggamit ng kapangyarihan. Dapat ay matagal ko ng ginawa ito pero siguro ay natakot din ako sa mga bagay na pwedeng mangyare at siguro bukod sa aking takot ay nasanay na din ako sa ganung klase ng pamamalakad at itinuring ko na itong bahagi ng aking buhay at parte ng kultura sa aming pamilya. Merong pagsisisi akong naramdaman sa aking sarili pero masaya na din ako dahil kahit papaano ay nasabi ko ang gusto kong sabihin at sa kabilang banda ay ako naman ay napakinggan. Sa paraang ginawa ko ay di ko naman sinasabi na kayo ay sumagot o lumaban sa ating mga magulang o mga kapatid, ang layunin lang ng aking argumento sa aking magulang ay upang maayos ang mga mali at maipaglaban ang aking mga opinion.
Siguro hindi lang ako ang nakaranas ng ganung klase ng kultura at kung tutuusin ay ang kulturang ito ay isang maliit na bahagi lang ng ating lipunan dahil ito ay umiikot lang sa loob ng aming tahanan. Marahil marami sa atin ang nakaranas ng isang maling kultura ngunit dahil ito ay nanggaling sa may kapangyarihan sa atin ay naisip natin na lahat ay normal lang at iyon ang tama. Naisip ko na kung sa simpleng parte ng komunidad ay nangyayari ito, maari kong mahalintulad ang aking karanasan sa pinagdaanan ng ating bansa at ng ating kultura. Sa kadahilan nadin na tayo ay nasakop ng iba’t ibang bansa ay nahubog nadin at naitanim sa atin ang iba’t ibang kultura at unti-unting natabunan ang kulturang sariling atin. Marahil marami sa mga patakaran at kultura na ito ay kung hindi mali ay di tugma para sa ating mga Pilipino. Katulad ko ay napasailalim ang bansa sa mga makapangyarihang bansa at naging dahilan na din ito sa pagkasira at pagkawala ng kulturang atin.
Umikot ang aking pagkabata sa ganung klase ng batas kung saan tama o mali man ang mas nakakatanda sa’yo, kelan man ay hindi mababaluktot ang kanilang kapangyarihan at awtoridad sa mas nakababa sa kanila. Mabuti na lang at natuto akong magsalita at siguro ay napagod at nabuo na din ang aking loob para masabi ang aking palagay sa isyu na iyon. Tulad ko, hindi pa naman huli ang lahat upang mapakinggan at maibalik ang kulturang nararapat sa isang tao. Natutunan kong ipaglaban ang aking pagkatao bilang ako at ang aking karapatan bilang parte ng isang pamilya, komunidad at nasyon.